-- ADVERTISEMENT --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na ipasa mula sa Office of the Ombudsman ang mga rekord ng preliminary investigation kaugnay ng mga kasong katiwalian laban sa kanya na may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng pondo ng mambabatas.

Sa resolusyong inilabas ng Fifth Division na isinulat ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac, pinagtibay ng hukuman ang naunang desisyon na tanggihan ang kahilingan dahil sa kakulangan ng sapat na batayan. Sinang-ayunan din ito nina Zaldy Trespeses at Gener Gito.

Ayon sa korte, hindi naipakita ng senador ang malinaw na dahilan kung bakit kinakailangan ang mga hinihinging dokumento at kung alin sa mga ito ang mahalaga sa kanyang ebidensiya. Nanatiling hiwalay ang mga kasong ito sa naunang kasong plunder laban sa kanya na may kinalaman sa umano’y kickback sa Priority Development Assistance Fund, kung saan siya ay naabsuwelto noong 2024.