Nakapagtala na ang Commission on Elections (Comelec) ng mahigit 3.1 milyong aplikasyon para sa voter registration kaugnay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2026, batay sa datos hanggang Marso 14.
Sa kabuuang 3,137,948 aplikasyon, mas marami ang nagmula sa kababaihan kaysa kalalakihan. Kabilang dito ang mga aplikasyon para sa reactivation ng rehistrasyon, bagong botante na edad 18 pataas, at mga kabataang edad 15 hanggang 17 na nagparehistro para sa halalan ng Sangguniang Kabataan.
Pinakamataas ang bilang ng aplikasyon sa CALABARZON, sinundan ng Central Luzon at National Capital Region, habang pinakamababa naman sa Mimaropa, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Cordillera Administrative Region.
Magpapatuloy ang voter registration hanggang Mayo 18, 2026, habang nakatakda ang halalan sa Nobyembre 2.













