Hinimok ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglatag ng malinaw at agarang hakbang upang matugunan ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Diokno, hindi sapat ang pagbibigay ng katiyakan sa publiko dahil kailangan ng mga Pilipino ang konkretong aksiyon upang mabawasan ang epekto ng inflation sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Binigyang-diin niya na lalong nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino na pagkasyahin ang kanilang kita dahil sa patuloy na pagmahal ng mga bilihin.
Dagdag pa ng kongresista, mahalagang maprotektahan ng pamahalaan ang kakayahang bumili ng mga mamamayan at matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga pangunahing pangangailangan.













