Patuloy na sinusuri ng pamahalaan ang mga kundisyon para sa posibleng pagbawas o pansamantalang pagtigil ng excise tax sa mga produktong petrolyo, ayon sa Malacañang.
Kaugnay ito ng pangangailangang matiyak ang tamang timing at batayan bago ipatupad ang hakbang, alinsunod sa umiiral na panukala sa Kongreso. Nakasaad na maaari lamang ipatupad ang bawas-buwis kapag lumampas sa USD80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tuloy-tuloy na 30 araw, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at koordinasyon sa Department of Energy.
Sa kasalukuyan, bagama’t umabot na sa higit USD100 kada bariles ang presyo ng langis, hindi pa ito tumatagal ng 30 araw, kaya hindi pa natutugunan ang kondisyon para sa agarang aksyon.
Ipinaliwanag din ng pamahalaan na ipinapataw lamang ang excise tax sa mga inaangkat na langis. Patuloy namang mino-monitor ang sitwasyon upang agad na makakilos sakaling matugunan ang mga kinakailangang kundisyon at makatulong sa pagpapababa ng presyo ng produktong petrolyo.













