-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Patuloy na iniimbestigahan ng Kalibo Municipal Police Station ang pagkamatay ng isang negosyante na natagpuang duguan at wala nang buhay sa loob ng isang apartment sa Magdalena Village, Barangay New Buswang, Kalibo, Aklan, umaga ng Biyernes, Nobyembre 13.

Ayon kay P/Lt. Col. Jeric Vargas, hepe ng Kalibo MPS, residente ng Brgy. Laguinbanua East, Numancia ang biktima na umano’y nagtamo ng tama ng bala matapos ang insidenteng kinasangkutan kasama ang dati nitong live-in partner.

Batay umano sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng agawan sa baril sa pagitan ng dalawa. Nang makalabas ang babae at ang kanyang 20-anyos na anak sa silid, narinig nila ang isang putok ng baril mula sa ibaba o ground floor ng apartment.

Nabatid na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa kaugnay sa kanilang dating relasyon at negosyo na piggery na sinasabing nalugi. Iniulat din na nakatanggap umano ang babae ng mga pagbabanta at liham mula sa biktima.

Narekober naman ng mga pulis sa lugar ang isang kalibre .45 na baril na posibleng pagmamay-ari ng negosyante.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang crime scene processing at paraffin test sa mag-ina at sa bangkay, upang matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril at mabatid kung may foul play sa insidente.

Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na pinal na resulta ng imbestigasyon.