-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng mga biktima ng extrajudicial killings at kanilang mga abogado na nananatiling may hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang desisyon ng Appeals Chamber sa apela ng depensa.

Ayon sa mga human rights lawyer, saklaw pa rin ng ICC ang imbestigasyon dahil nagsimula ito bago ang pag-withdraw ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 at dahil sa mga naging hakbang umano ng pamahalaan na nagpapakita ng pagkilala sa korte kahit matapos ang pag-alis.

Binanggit din ang mga petisyon ng gobyerno noong 2021 at 2022 na may kaugnayan sa imbestigasyon bilang indikasyon ng patuloy na pag-ugnay sa ICC.

Nagbabala ang kampo ng mga biktima na ang posibleng pabor na desisyon sa depensa ay maaaring makaapekto sa mga kaso ng karapatang pantao sa ibang bansa sa hinaharap.

Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos ang pag-withdraw at tinawag na pulitikal ang kaso, habang binigyang-diin ang mga naunang hakbang ng pamahalaan na kumuwestiyon sa kapangyarihan ng korte.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang umaasa ang mga pamilya ng mga biktima sa pagkamit ng hustisya habang naghihintay ng pinal na desisyon sa kaso.