Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 34 porsyento ang focus crimes sa bansa noong Abril kumpara sa mga nakalipas na taon.
Ayon sa datos, mula 3,961 kaso noong 2024 ay bumaba ito sa 3,002 noong 2025, at naging 2,616 noong 2026. Kabilang sa mga ito ang murder, rape, homicide, physical injury, carnapping, at theft.
Iniugnay ng PNP ang pagbaba sa pagpapatupad ng “Safer Cities” program na pinalakas ang police visibility at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, ipinatutupad din ng Department of the Interior and Local Government ang mga lokal na polisiya tulad ng curfew para sa menor de edad at iba pang ordinansa para sa kapayapaan at kaayusan.
Kasabay nito, iniulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang malawakang operasyon noong Abril na nagresulta sa pag-aresto sa 1,124 katao at pagkakasamsam ng mahigit ₱1.6 bilyong halaga ng ebidensya.
Ayon sa CIDG, isinagawa ang mga operasyon laban sa iba’t ibang ilegal na gawain kabilang ang illegal logging, smuggling, at illegal gambling. Sa kabuuan, 943 operasyon ang isinagawa at 143 kaso ang naihain sa piskalya.
Nakumpiska rin ang mga armas at pampasabog, at kabilang sa mga naaresto ang mga most wanted persons at ilang hinihinalang miyembro ng armadong grupo.













