-- ADVERTISEMENT --

Hindi tatanggapin ni Presiding Officer Chiz Escudero ang anumang alok na maging susunod na bise presidente ng bansa sakaling matanggal sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.

Ipinaliwanag ni Escudero na maaaring magkaroon ng conflict of interest dahil kabilang siya sa mga senador na tumatayong hukom sa impeachment trial ni Duterte, kung saan siya rin ang namumuno bilang presiding officer ng Senate impeachment court.

Ayon kay Escudero, mas nararapat na hindi niya tanggapin ang posisyon habang nakikibahagi siya sa paglilitis. Nilinaw rin niyang wala pang nag-aalok sa kanya ng naturang puwesto at umaasa siyang hindi na umabot sa puntong kailangan niyang pormal na tanggihan ito.

Samantala, sinabi rin ng Malacañang na wala itong plano tungkol sa posibleng papalit kay Duterte sakaling matanggal siya sa puwesto. Mananatili sa puwesto ang bise presidente habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings, at nakasalalay sa magiging resulta ng paglilitis ang kanyang pananatili sa posisyon.