MAKATO, Aklan — Patay ang isang lalaki matapos suntukin sa kaliwang bahagi ng ulo habang umaawat sa away sa labas ng isang alumni gathering sa Barangay Calangcang, Makato, Aklan, gabi ng Sabado, Oktubre 24, 2026.
Ayon kay P/Cpt. Kenneth Vincent Mercader, officer-in-charge ng Makato Municipal Police Station, aksidenteng natamaan ng biktimang kinilalang alyas “Joven,” nasa hustong gulang, ang suspek na si alyas “JR,” residente ng Malinao, Aklan, habang umaawat sa gulo.
Dahil dito, sinuntok ng suspek ang biktima sa kaliwang bahagi ng ulo, dahilan upang matumba ito at mawalan ng malay. Agad siyang dinala sa St. Gabriel Medical Center sa bayan ng Kalibo at isinailalim sa intensive care unit, ngunit idineklara itong patay, araw ng Lunes, Oktubre 26 dahil sa matinding pinsala sa utak.
Agad namang naaresto ang suspek matapos ang insidente at kasalukuyang nasa kustodiya ng Makato Municipal Police Station. Inihahanda na ng mga imbestigador ang pagsasampa ng kasong homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code sa tanggapan ng piskalya.
Batay sa paunang impormasyon, kapwa umano nakainom ng alak ang mga sangkot bago ang insidente. Ayon sa suspek, nakaupo siya sa labas nang magkagulo at biglang may tumulak sa kanya dahilan na nasuntok nito ang biktima.
Patuloy namang tinitiyak ng pulisya ang pagsunod sa tamang proseso ng batas upang mabigyan ng hustisya ang biktima.












