Nanawagan ang environmental watchdog na BAN Toxics na alisin sa mga pamilihan ang mga hindi awtorisadong squishy toy na kahawig ng mga siopao dahil sa posibleng panganib nito sa kalusugan ng mga bata.
Kasunod ito ng mga babala ng Food and Drug Administration (FDA) laban sa pagbili at paggamit ng Squishy Delicious Blue at Squishy Delicious Green, na walang kaukulang Certificate of Product Notification (CPN).
Ayon sa FDA, hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto dahil hindi dumaan ang mga ito sa kinakailangang proseso ng notification. Maaari rin itong magdulot ng pinsala, mabulunan o masakal dahil sa maliliit o nasirang bahagi.
Ayon naman sa BAN Toxics, may mga katulad na laruan nang na-recall sa United Kingdom at United States matapos matukoy ang sobrang antas ng benzene, isang mapanganib na kemikal.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2026-29 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ipinagbabawal ang paggamit ng benzene sa mga laruan at iba pang produktong pambata.
Dahil dito, hinimok ng BAN Toxics ang publiko na iwasang bumili ng mga hindi awtorisadong squishy toy upang maprotektahan ang mga bata sa posibleng panganib sa kalusugan.













