KALIBO, Aklan — Handa na ang Commission on Elections (COMELEC) Kalibo sa muling pagbubukas ng voter registration na magsisimula sa Nobyembre 10, 2026 hanggang Hulyo 30, 2027.
Ayon kay Atty. Christian Itulid, COMELEC Kalibo Officer, tatanggap sila ng mga bagong magpaparehistro, maglilipat ng voter registration, magpapabago ng mga detalye sa pangalan at apelyido, at magpapa-enroll sa Register Anywhere Program.
Ipinaliwanag ni Itulid na awtomatikong ililipat sa regular voters list ang mga rehistradong Sangguniang Kabataan (SK) voters na aabot na sa edad na 18, kaya hindi na nila kailangang magparehistro muli.
Samantala, kailangang magpakita ng balidong identification card o iba pang dokumentong magpapatunay ng paninirahan ang mga nais maglipat ng kanilang rehistro. Hindi tinatanggap ang police clearance at barangay clearance bilang patunay ng residency.
Nagbabala rin ang COMELEC na maaaring makasuhan ang mga magpaparehistro sa iba’t ibang lugar o magsusumite ng maling impormasyon. Sinusuri ang mga ito sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System (AFIS).
Dahil dito, hinikayat ni Itulid ang mga kwalipikadong botante na magparehistro nang maaga at huwag nang hintayin ang huling araw ng registration period upang maiwasan ang posibleng abala.












