-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Mariing nagpahayag ng pagtutol si Leody De Guzman, national president ng Partido Lakas ng Masa (PLM), sa posibleng pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.

Ayon kay De Guzman, hindi nararapat na tanggapin ang isang lider na iniuugnay niya sa mga digmaan at kaguluhan. Giit niya, wala umanong magandang idinudulot ang mga digmaang kinasasangkutan ni Trump.

Kinuwestiyon din niya ang inaasahang malaking gastusin ng pamahalaan para sa pagbisita ng isang mataas na opisyal mula sa ibang bansa.

Ipinahayag din ni De Guzman ang pangamba na posibleng layunin ng pagbisita ang pagsusulong ng mga kasunduan, kabilang ang Pax Silica Initiative, na ayon sa kanya ay maaaring hindi direktang makinabang ang Pilipinas.

Nagbabala rin siya na posibleng mas makinabang ang mayayamang bansa sa yamang mineral ng Pilipinas, habang limitado lamang ang mapupunta sa mga mamamayang Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni De Guzman na dapat unahin ng pamahalaan ang pambansang interes, soberanya at kapakanan ng mga Pilipino sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.