Inaasahan ang panibagong malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasunod ng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na batay sa unang dalawang araw ng trading sa international oil market ang inaasahang bawas-presyo.
Bagama’t hindi pa nagbigay ng eksaktong halaga, sinabi ni Abad na posibleng malaki ang maging rollback sa presyo ng diesel at kerosene. Umaasa rin siya na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo hanggang Biyernes.
Samantala, kinumpirma ni Abad na may ilang gasolinahan sa Metro Manila na hindi agad ipinatupad ang buong P16.80 na rollback sa presyo ng gasolina kasunod ng pinakahuling malaking bawas-presyo.
Ayon sa kanya, titipunin muna ng DOE ang mga ulat mula sa kanilang mga field office bago isumite ang mga resulta sa legal department para sa kaukulang aksyon at posibleng pagpapataw ng parusa.
Kabilang sa mga posibleng parusa sa mga lalabag ang multa at pagkakakulong, ayon sa DOE.












