KALIBO, Aklan — Nilinaw ni Aklan State University (ASU) President Dr. Jeffrey Clarin na hindi basta-basta pinutol ang mga puno sa loob ng unibersidad, kundi may sapat na dahilan at dumaan sa tamang proseso ang nasabing aktibidad.
Ito ay kasunod ng hinaing ng ilang estudyante ng ASU Banga Campus matapos nilang makita ang mga punong pinutol na dati ay nagbibigay ng lilim sa kanilang mga dinaraanan.
Ayon sa pamunuan ng unibersidad, noong 2025 pa naghain ng kahilingan ang General Services matapos mapansin na nasisira na ng mga ugat ng puno ang kalsada sa loob ng campus.
Bukod dito, maaari ring magdulot ng panganib ang mga puno, lalo na kapag may kalamidad gaya ng bagyo.
Ipinaliwanag ni Dr. Clarin na sumailalim muna sa masusing inspeksyon at kaukulang proseso ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, kasama ang iba pang kinauukulang yunit ng unibersidad, bago isinagawa ang pagputol sa mga puno.
Dagdag pa niya, layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng lahat, hindi lamang ng mga estudyante kundi maging ng mga pasilidad ng unibersidad.
Binigyang-diin din ni Clarin na hindi layunin ng pamunuan na sirain ang kapaligiran ng unibersidad, kundi mapabuti ito at matiyak ang kaligtasan ng buong komunidad. Aniya, isinagawa ang pagputol sa mga puno alinsunod sa legal na proseso.













