
Nagsampa ng criminal complaint ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque, kanyang asawa, at isang associate kaugnay ng umano’y tax violations.
Ayon sa BIR, may kaugnayan ang kaso sa Biancham Holdings and Trading, Inc., kung saan lumabas sa imbestigasyon na nabigo umano ang mga akusado na maghain ng kinakailangang tax returns at magbayad ng buwis sa paglipat ng shares at pagtaas ng authorized capital stock.
Umabot sa mahigit ₱3.35 milyon ang tinatayang tax deficiency, kabilang ang penalties at interes. Batay dito, nakitaan ng probable cause para sa kasong tax evasion at failure to file tax returns ang mga respondent sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Kasabay ng reklamo laban sa kampo ni Roque, naghain din ang BIR ng hiwalay na kaso laban sa isang transport company at isa pang indibidwal dahil sa umano’y unpaid taxes na umaabot sa milyon-milyong piso.
Nasa ilalim ng mas pinaigting na kampanya ng BIR laban sa tax evasion ang mga kaso, alinsunod sa Run After Tax Evaders (RATE) program.











