Ikinabahala ng National Union of Building and Construction Workers ang malawakang pagkawala ng trabaho sa sektor ng konstruksyon kasunod ng isyu sa mga proyekto ng flood control noong 2025, na pinakamalaking tinamaan ay ang maliliit at hindi bihasang manggagawa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak ang bilang ng mga empleyado sa konstruksyon sa 4.80 milyon noong Disyembre 2025 mula 5.35 milyon noong Disyembre 2024, katumbas ng humigit-kumulang 550,000 na nawalan ng trabaho.
Sinabi ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na bumagal ang public spending at economic growth sa huling bahagi ng 2025 dahil sa infrastructure scandal, na nagdulot ng pagbaba ng aktibidad at employment sa public construction.
Dagdag ng grupo, maraming proyekto ang nahinto matapos kanselahin ang mga permit at lisensya ng ilang contractor na sangkot sa imbestigasyon.
Ayon sa kanilang pagtataya at sa datos ng DOLE, mahigit 100,000 manggagawa ang naapektuhan, kung saan ang mga walang kasanayan ang unang natatanggal kapag humihinto ang mga proyekto.












