Nagbabala ang mga eksperto hinggil sa lipoedema, isang kondisyong nagdudulot ng abnormal na pag-ipon ng taba sa mga binti at minsan sa mga braso, na madalas mapagkamalang obesity o kakulangan sa ehersisyo.
Batay sa mga pag-aaral, maaaring makaapekto ito sa isa sa bawat sampung kababaihan sa buong mundo, ngunit marami pa rin ang hindi natutukoy dahil sa maling diagnosis.
Nagiging sanhi ang kondisyon ng pananakit, pamamaga, madaling pasa, at hirap sa paggalaw na nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng pasyente.
Ayon sa mga eksperto, may kaugnayan ito sa hormones at maaaring lumala sa panahon ng puberty, pagbubuntis, o menopause. Posible rin umanong may kinalaman ang genetic at inflammatory factors.
Kabilang sa mga inirerekomendang lunas ang anti-inflammatory diet, regular na ehersisyo, compression garments, at lymph drainage, habang therapeutic liposuction naman para sa malulubhang kaso.
Nanawagan naman ang health advocates para sa mas malawak na pagkilala, karagdagang pananaliksik, at suporta para sa mga apektado ng lipoedema.













