Karumal-dumal ang sinapit ng magkapatid na mekaniko matapos na madaganan ng bucket ng backhoe habang nagkukumpini ng sirang dump truck sa stockpile na pagmamay-ari ng Rodriguez construction firm sa Sitio Lipag, Barangay Pagsanghan sa bayan ng Banga, Aklan.
Kinilala ni PCapt. Dandy Gonzalodo, hepe ng Banga Municipal Police Station ang mga biktima na sina Jomer at Jonel Tamayo, kapwa nasa legal na edad at mga residente ng Barangay Cortes, Balete, Aklan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon, araw ng Huwebes kung saan, habang nakayuko ang mga ito sa kinukumpuning sasakyan ay bigla na lamang pumutok ang hydraulic hose ng backhoe na naging dahilan ng pagkadiskarel ng bucket at bumagsak sa dalawa.
Dahil sa pagkabagsak ng mabigat na bucket ng backhoe, naipit ang dalawa at hindi na nagawang makaalis pa kung kaya’t kaagad silang sinaklolohan ng emergency personnel ng Banga Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ngunit naging pahirapan ang paghila sa katawan ng mga ito dahil may kabigatan ang bucket na nakadagan sa mga ito.
Samantala, nananatiling nasa state of shock parin ang driver ng backhoe dahil sa biglaan ang mga pangyayari kung saan, kasalukuyan siyang nasa kustudiya ng pulisya at nakakulong sa locked-up cell ng Banga PNP Station.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.