BORACAY, Island—Nagpahayag ang Police Regional Office 6 (PRO-6) ng determinasyon na maisilbi ang hustisya sa pagkamatay ng Slovakian national matapos makumpirma na ang natagpuang labi ng babae na nasa state of decomposition sa comfort room ng chapel na bahagi ng abandonadong resort sa Sitio Pinaungon, Brgy. Balabag sa isla it Boracay, hapon it Miyerkules, Marso 12, 2025 ay ang nawawalang foreign tourist.
Sa opisyal na pahayag na inilabas ng Police Regional Office VI, pinangungunahan nila ngayon ang malalim at masusing imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng krimen matapos na makita ang dayuhang turista na si Michaela Mickova, 23-anyos mula sa bansang Slovakia na walang saplot pang-ibaba, nakabukaka at pinaniniwalaang makailang ulit na pinagsamantalan matapos na nangingitim na ang maselang bahagi ng katawan nito.
Tiniyak ng pulisya katuwang ang buong komunidad ng Boracay at lalawigan ng Aklan na tututukan nila ang insidente upang maaresto ang mga suspek dahil sa wala aniyang puwang ang krimen sa Western Visayas.
Dagdag pa ng PRO-6, mananatili ang kapayapaan at seguridad sa Boracay sa kabila ng nangyaring krimen na itinuturing na isang isolated incident.
Layunin nila ngayon na mabigyan ng kaukulang hustisya ang pamilya at mga mahal sa buhay ni Michaela, na kilala bilang mapagmahal na anak, kaibigan at dalaga na may pangarap sa buhay.
Binigyang diin ng PRO-6 na nananatiling ligtas ang Boracay para sa mga turista habang nananawagan naman ang mga ito ng kooperasyon mula sa komunidad upang mapabilis ang pagkaaresto sa mga salarin gayundin maparusahan sa nagawa nitong krimen.
Nabatid na noong Marso 1 dumating sa Boracay anang nasabing turista upang dumalo sa kasal ng kaniyang Pinay na kaibigan.
Ngunit, noong Marso 10, araw ng Lunes ay naireport ito sa mga awtoridad na missing at may inilaan na P50,000 na reward money sa makakita sa kaniya hanggang sa nitong hapon ng Miyerkules, Marso 12 ay natagpuan na lamang siya sa posisyon na hindi makataong kamatayan.