-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nakipagsabwatan umano ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa International Criminal Court (ICC) upang ipaaresto ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kaniyang ‘war on drugs’.

Sa talumpati ng pangalawang pangulo sa Free Duterte Now rally sa The Hague, Netherlands iginiit ni VP Duterte na may politikal motives sa likod ng pagkaaresto sa kaniyang ama noong Marso 11 sa Pilipinas.

Aniya, ang ICC at ang kasalukuyang administrasyon ay nagkuntsaba upang tanggalin sa eksena ang dating pangulo na isa sa mga pinaka-vocal na kritiko ni President Marcos Jr.

Dagdag pa nito na walang sapat na batayan ang pagkakulong ng kaniyang ama sa Scheveningen Prison sa The Hague at ang umano’y mga akusasyon sa extrajudicial killings (EJK) ay batay lamang sa mga tsismis.

Nanindigan din siya na ang ICC ay nagpakialam sa pamamahala ng Pilipinas at may sariling “agenda” para mapanatili ang suporta at pondo mula sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --