-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Kasabay ng kanyang ika-75 kaarawan, nagbitiw sa pwesto ang Obispo ng Diocese of Kalibo na si Bishop Jose Corazon Tala-oc, araw ng Lunes, Hunyo 16.

Ipinaliwanag ni Rev. Fr. Justy More, chancellor ng Diocesan Curia ng Diocese of Kalibo, sa ilalim ng canon law, kinakailangang magsumite ng resignation ang mga obispo sa Santo Papa pagtungtong nila sa edad na 75, bagamat bihirang tanggapin ito sa mismong araw ng kaarawan.

Si Bishop Talaoc ay nagsumite umano ng kanyang letter of resignation noong buwan ng Abril, subalit dahil sa pagkamatay ni Pope Francis, hindi kaagad ito naaprubahan.

Bilang kanyang kahalili, itinalaga ng Santo Papa si Bishop Victor B. Bendico ng Diocese ng Capiz bilang administrator ng Diocese of Kalibo.

-- ADVERTISEMENT --

Si Bishop Bendico ang pansamantalang mamahala sa Kalibo habang hindi pa nakakakita ang Simbahan ng permanenteng Obispo.

Nagsilbi si Tala-oc bilang obispo ng Kalibo sa loob ng halos 14 na taon.

Naordinahan si Tala-oc bilang pari para sa Diocese ng Kalibo noong 1979.

Itinalaga siya bilang obispo ng Romblon noong Hulyo 2003 at naordinahan bilang obispo noong Hulyo 30 ng parehong taon. Siya ay pormal na iniluklok bilang obispo ng Romblon noong Setyembre 3, 2003.

Noong Mayo 2011, siya ay hinirang bilang obispo ng kanyang sariling diocese sa Kalibo at iniluklok noong Hulyo 20, 2011. Umaga ng Lunes, nagdaos ng misa si Tala-oc upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa Kalibo Cathedral, ang parehong simbahan kung saan siya naordinahan bilang pari at obispo.