-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na may sapat na ebidensiya para ituloy ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity sa anti-illegal drugs campaign. Sa huling araw ng confirmation hearing, binigyang-diin ng prosekusyon na ang testimonya ng mga saksi ay sapat upang kumpirmahin ang mga akusasyon, at ang terminong “neutralization” ay tumutukoy sa pagpatay, hindi lamang pagpigil sa mga suspek.

Inakusahan si Duterte ng ICC sa pagiging responsable sa indirect co-perpetration, ordering and inducing, at aiding and abetting sa mga pagpatay sa Davao City noong siya ay mayor, sa pagpatay sa high-value targets sa kanyang termino bilang pangulo, at sa pagpatay at pagtatangkang pagpatay sa village clearance operations. Binanggit din ng common legal representative ng mga biktima na si Gilbert Andres na may ebidensiya upang patunayan ang criminal intent ni Duterte, kabilang ang kanyang mga pampublikong pahayag.

Ang confirmation hearing ay naglayong tukuyin kung may sapat na grounds para kumpirmahin ang mga akusasyon, at sa loob ng 60 araw ay magpapalabas ang ICC Pre-Trial Chamber ng desisyon kung ikukumpirma ang lahat o ilan sa mga kaso.