KALIBO, Aklan — Halos lahat ng barangay sa lalawigan ng Aklan ay nakapagsagawa na ng Barangay Assembly Day 2026 para sa ikalawang semester ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Rannie Tolosa, Punong Barangay ng Caticlan at ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan, mahalaga ang aktibidad dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang mga residente na malaman ang mga programa, proyekto, aktibidad at gastusin ng kanilang barangay.
Alinsunod sa Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 at Proclamation No. 599, series of 2018, isinasagawa ang Barangay Assembly Day tuwing Sabado o Linggo sa buwan ng Marso at Oktubre.
Bahagi ng pagtitipon ang paglalahad ng State of Barangay Address (SOBA), kung saan iniuulat ang mga programa, proyekto, aktibidad at gastusin ng barangay sa nakalipas na anim na buwan.
Nagbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga residente na magtanong at magmungkahi tungkol sa mga usaping pangkomunidad, kabilang ang kalinisan, seguridad, kapakanan ng mga mamamayan at mga programang maaaring isama sa mga susunod na plano ng barangay.












