Posibleng matapos ngayong Nobyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung makukumpleto ng defense panel ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya sa loob ng 10 buong araw ng paglilitis.
Ayon kay Batangas 2nd District Representative at lead House prosecutor Gerville Luistro, inaasahang hihiling ang depensa ng 10 trial days upang sagutin ang natitirang impeachment article na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa bise presidente.
Nauna nang inalis ng prosecution ang tatlo sa apat na impeachment articles, kabilang ang mga alegasyon ng grave threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maling paggamit ng confidential funds at bribery sa Department of Education.
Gayunman, maaari pang umabot sa Disyembre ang paglilitis depende sa haba ng presentasyon ng depensa at pagsusuri ng mga senator-judge sa mga ebidensya.
Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, habang umaasa si Luistro na matatapos ang proseso bago ang Pasko.













