BALETE, AKLAN — Hindi nakaligtas sa panloloko ang isang lolang may-ari ng sari-sari store matapos mabayaran ng pekeng ₱1,000 bill ng isang lalaking bumili ng sigarilyo sa Barangay Feliciano, Balete, noong Lunes ng umaga, Nobyembre 9.
Ayon sa biktimang si Luzviminda Ramos, nilapitan siya ng isang lalaking sakay ng motorsiklo at bumili ng isang kaha ng sigarilyo.
Isang ₱1,000 bill ang ibinayad ng suspek, kung saan nagbigay naman si Ramos ng ₱800 bilang sukli. Dahil abala siya sa pag-aayos ng mga paninda sa kakabukas pa lamang na tindahan, hindi niya agad napansin na peke ang perang natanggap mula sa lalaki.
Nadiskubre lamang ng biktima na peke ang pera nang gamitin niya ito bilang pambayad sa ahente ng sigarilyo na nagde-deliver sa kanilang lugar.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng helmet at face mask kaya hindi nakilala ang kanyang pagkakakilanlan. Gayunman, Aklanon umano ang wikang ginamit nito habang nakikipag-usap sa biktima.
Inamin din ni Ramos na mayroon sana siyang counterfeit money detector, subalit hindi na niya ito nagamit dahil abala siya sa pag-aasikaso at pag-aayos ng mga paninda sa kanyang tindahan.
Dahil dito, nagtungo ang biktima sa Balete Municipal Police Station upang ireport ang insidente at magsampa ng kaukulang reklamo. Isinuko na rin niya sa pulisya ang hinihinalang pekeng pera para sa imbestigasyon.
Samantala, pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Capiz Coucil ang publiko na maging mapagmatyag at maingat sa pagtanggap ng mga perang papel upang hindi mabiktima ng mga nagpapakalat ng counterfeit money lalo na ngayong nalalapit ang holiday season.
Ipinapayo ng BSP na suriin ang mga perang papel sa pamamagitan ng paghipo, pagtingin at pagkiling dito. Kabilang sa mga dapat tingnan ang tekstura ng papel, watermark at security fibers bilang bahagi ng mga panseguridad na katangian ng tunay na salapi.
Muling pinayuhan ang mga negosyante at mamimili na huwag agad tanggapin ang perang may kahina-hinalang katangian at tiyaking nasusuri muna ito bago magbigay ng sukli o gamitin bilang pambayad.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.













