KALIBO, Aklan — Nanawagan ang iba’t ibang grupo ng kabataan at estudyante na palayain ang 305 kataong inaresto sa mga kilos-protesta simula noong Nobyembre 15 laban sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas at sa posibleng kasunduang Pax Silica.
Ayon kay dating Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel, dapat igalang ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagtitipon at pamamahayag. Kinondena rin niya ang umano’y labis na puwersang ginamit ng mga pulis laban sa mga raliyista.
Kinukuwestiyon aniya ng mga demonstrador ang interes ng mga makapangyarihang lider ng ibang bansa, partikular ng Estados Unidos, kahit hindi naman ito kabilang sa mga bansang kasama sa naturang pagpupulong.
Giit niya, mas nais ng mamamayang Pilipino na magkaroon ang bansa ng malayang patakarang panlabas at hindi basta pumanig sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Pax Silica o sa anumang kasunduan sa China.
Dagdag pa niya, kung papasok man sa mga kasunduan ang Pilipinas, dapat tiyaking may tunay na pakinabang ang mamamayan at hindi lamang ginagamit ang bansa ng mas makapangyarihang mga estado.
Ipinahayag din niya ang pangamba sa posibleng pagdepende ng Pilipinas sa teknolohiya at kapangyarihan ng ibang bansa.
Binatikos din niya ang posibleng epekto ng Pax Silica sa kalayaan ng bansa, gayundin sa mga magsasaka at katutubo.
Giit niya, mas nais ng mamamayang Pilipino na magkaroon ang bansa ng malayang patakarang panlabas at hindi basta pumanig sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Pax Silica o sa anumang kasunduan sa China.













