Hindi pa rin nasusunod ang ipinatutupad na Executive Order na nagtatakda ng P180 kada kilo bilang floor price ng liveweight o buhay na baboy.
Ito ang inihayag ni Engr. Jun Agravante, presidente ng Livestock and Poultry Raisers Association, na umaasang maayos na maipatutupad ang nasabing polisiya.
Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa P160 kada kilo ang presyo ng liveweight ng baboy.
Bagama’t mas mataas umano ito kumpara sa presyo sa ibang probinsya, mabigat pa rin ang gastusin ng mga hog raiser, partikular na sa pagbili ng feeds o pakain sa mga alagang baboy.
Batay sa pagtaya ni Agravante, umaabot sa mahigit P2,000 per head ng karne ang kinikita ng mga trader.
Dahil dito, nagpahayag siya ng pagkadismaya bilang isang hog raiser at kinuwestiyon kung bakit tila napapabayaan ang kanilang sektor gayong sila ang nagsusuplay ng mga baboy na ibinebenta sa mga pamilihan.
Samantala, ilang buwan na ring ipinatutupad ang border control upang mapigilan ang pagpasok ng mga buhay na baboy at karne ng baboy mula sa ibang lugar.
Gayunman, mayroon pa ring nakalulusot sa kabila ng mga isinagawang pagbabantay at pagkakahuli sa ilang lumalabag.
Ayon kay Agravante, posibleng malalaking trader lamang ang dumaraan sa mga binabantayang border checkpoint, habang ang maliliit na trader naman ay gumagamit ng mas maliliit na alternatibong ruta upang makaiwas sa inspeksyon.
Ipinaliwanag din niya na iisang munisipalidad na lamang ang nananatili sa red zone dahil sa kaso ng African Swine Fever (ASF), habang ang iba pang bayan ay nasa pink at yellow zones na.
Patuloy rin umanong isinusulong ang mosyon na magkaroon ng pare-parehong presyo ng liveweight ng baboy sa buong Western Visayas upang matiyak ang patas na presyo para sa mga hog raiser.













