BALETE, Aklan—Dalawang cal. 38 revolver ang narekober ng mga awtoridad sa kubo ng isang Army Reservist sa Barangay Calizo, Balete, Aklan, araw ng Sabado, Hunyo 28, 2025.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng mga personnel ng Balete Municipal Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si P/Capt. Donnie Magbanua sa kubo ng suspect sa nasabing lugar sa pamamagitan ng pagsilbi ng search warrant.
Nakuha sa raid ang naturang mga armas.
Ang pagkatuklas sa mga nakatagong baril ng suspek ay nag-ugat sa natanggap na dating report na may binantaan ito gamit ang nasabing mga baril at nang nakumpirma ang impormasyon ay kaagad isinailalim sa surveillance ang Army reservist at nag apply ng search warrant ang mga awtoridad.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa detention facility ng Balete PNP Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunitions.