-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore and Blue Ribbon Committee chair Panfilo ‘Ping’ Lacson na may natanggap siyang impormasyon hinggil sa umano’y P500 milyong alokasyon ng proyekto na iniuugnay kay Sen. Rodante Marcoleta, base sa handwritten statement ni Public Works Undersecretary Catalina Cabral.

Nilinaw ni Lacson na hindi ilegal ang paghingi o paglalaan ng proyekto, ngunit iimbestigahan ng Blue Ribbon Committee kung may anomalya tulad ng ghost o substandard projects. Susuriin din ang tinatawag na “allocables” ng mga mambabatas, na inihalintulad sa pork barrel, upang matiyak ang maayos na implementasyon.

Mariing itinanggi naman ni Marcoleta ang paratang at iginiit na bahagi lamang ito ng paninira sa kanyang reputasyon. Aniya, karaniwan ang pag-endorso ng proyekto ng mga mambabatas at hindi ito awtomatikong iregularidad.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng dalawang senador kasabay ng mga isinasagawang imbestigasyon, kabilang ang umano’y anomalya sa flood control projects.