-- ADVERTISEMENT --

MADALAG, Aklan—Arestado ang magkapatid sa kasong paglabag sa RA 10591 sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng kapulisan,  provincial intelligence unit at 1st PMFC  sa Barangay Cabangahan, Madalag, araw ng Linggo, Hulyo  6, 2025.

Kinilala ni  P/Capt. Jason Mausig, hepe ng Madalag Municipal Police Station ang magkapatid na suspek na sina Charlie Natabio, 30 anyos at Joeben Natabio, 27 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Ayon kay P/Capt. Mausig na nakumpiska sa loob ng bahay ni Charlie ang isang caliber .38 na baril at 4 na bala habang sa bahay naman ni Joeben na may isang kilometro ang layo ay  caliber .38 na baril at 5 mga bala.

Ang operasyon ay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Montalib Patnubay, Jr., na may petsang Hunyo 4, 2025.

Sinasabing nauna ng kinasuhan ang magkapatid kasama ang kanilang ama ng Murder noong 2022 ngunit nabasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap ang magkapatid sa kasong RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng nasabing himpilan ng pulisya.