-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nangangamba ang mga hog raisers sa posibleng muling pagkalat ng African Swine Fever (ASF) matapos ang mga ulat ng panibagong kaso ng sakit sa katabing lalawigan ng Capiz.

Ayon kay Engr. Jun Agravante, Presidente it Aklan Livestock and Poultry Raisers Association dahil masyadong malapit sa probinsiya ang naitalang bagong kaso ng ASF sa border ng Sapian Capiz at Camanci, Batan, Aklan, hiniling nito sa Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) Aklan na lalo pang paigtingin ang kanilang ginagawang border control sa naturang barangay.

Nabatid na simula ngayong araw ng Lunes,  Hunyo 22 ay maglalagay rin sila ng border control sa national highway na sakop ng Altavas, Aklan, kung saan, tutulong ang kanilang asosasyon sa mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang panibagong outbreak.

Sa pulong na isinagawa ng iba’t-ibang OPVET sa Western Visayas, nakabuo umano sila ng analysis na ang panibagong kaso ng ASF sa Capiz ay nagmula sa Negros Occidental.

Aniya, marami pang mga hog raisers ang hindi pa nakakabangon sa malaking naging epekto ng ASF sa kanilang kabuhayan noong mga nakaraang taon dahil sa malawakang pagkatay ng mga alagang baboy at pagkalugi ng maraming maliliit na mag-aalaga. Nangangamba silang muling maulit ang sitwasyon kung hindi agad mapipigilan ang pagkalat ng sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Umapela rin siya sa mga kapwa hog raisers na huwag magpanic at magsagawa ng panic-selling.

Samantala,  problema rin ng mga hog raisers sa Aklan ang mababang presyo ng live weight o buhay na baboy na umaabot lamang sa P170 na hindi sapat upang mabawi sa kanilang gastos sa produksyon.