KALIBO, Aklan—Inaalam na ng Malay Municipal Police Station kung ang nakitang patay na babae ay ang naibalitang nawawalang Slovakian national na si Michaela Mickova, 23-anyos mula sa bansang Slovania at nagbabakasyon lamang sa isla ng Boracay.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo news team, natagpuan na lamang ang labi ng babae sa isang abandonadong comfort room ng chapel sa Sitio Pinaungon, Barangay Balabag sa isla na nakabukaka, walang saplot, nangangamoy at pinaniniwalaang ginahasa ng makailang ulit base sa nakitang uri ng kaniyang maselang parte ng katawan.
Masusing imbestigasyon ang ginagawa ng pulisya sa nasabing insidente upang matukoy ang responsable sa hindi makataong pagpatay o kamatayan ng nasabing babae.
Una rito, naireport na missing ang turista ng kaniyang mga kasamahan noong araw ng Lunes, Marso 10 kung saan, nasa P50,000 ang inilaan na reward money sa makakita sa nasabing turista.
Sa kasalukuyan ay nasa funeral homes na ang labi ng babae at isasailalim sa autopsy examination upang mabatid ang naging dahil ng kaniyang agarang pagkamatay.