-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Patay ang isang 42-anyos na lalaki nang tadtarin ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng isang rider na kanyang sinita dahil sa maingay umano na tambutso ng kanyang motorsiklo sa Purok 1, C. Laserna St., Brgy. Poblacion, Kalibo, pasado ala-2:00 ng madaling araw ng Miyerkules,  Agosto 6, 2025.

Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Luther Sauza, 42-anyos at residente ng naturang lugar habang ang mga suspek ay sina Richard Cortes Puod, ng Brgy. Poblacion, Makato at Jodel dela Cruz, ng Purok 5 ng nasabi rin na lugar.

Ayon kay P/Lt. Col. Jerick Vargas, hepe ng Kalibo Municipal Police Station, batay sa kanilang imbestigasyon, habang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang dalawang iba pa malapit sa estaka,  sinita nito ang suspek na nakasakay sa motorsiklo nang dumaan sa kanilang harapan dahil sa pagiging maingay ng tambutso at dis-oras na ng gabi.

Sandali umanong umalis ang suspek at nang bumalik ay kasama na nito si dela Cruz at muling dumaan sa harap ng nag-iinumang biktima at mga kaibigan at lalo pang binomba ang selinyador ng kanyang motor.

-- ADVERTISEMENT --

Nang akmang sumugod ang biktima ay bigla umanong binunot ng dalawa ang dala-dalang mga kutsilyo at pinagtulungan itong saksakin.

Dahil dito, agad isinugod ang duguang biktima ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Kalibo sa Aklan Provincial Hospital, subalit patay na nang makarating dahil sa halos walong tama ng saksak.

Nabatid na kakalaya pa lamang ng suspek na si Puod noong Biyernes mula sa Aklan Rehabilitation Center dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms.

Narekober ng mga awtoridad ang kutsilyong ginamit sa krimen na may habang nasa 12 inches.

Positibong itinuro ng testigo na si Budot Arellano ang suspek na isa sa mga sumaksak sa biktima.

Samantala, depensa ng nahuling suspek na napilitan siyang saksakin ang biktima matapos siyang batuhin ng bote.

Kaagad na tumakas ang mga salarin at naaresto sa magkahiwalay na hot pursuit operation ng mga awtoridad at nahaharap sa kasong murder habang nakakulong sa detention facility ng Kalibo PNP.

Si Puod ay naaresto sa bahagi ng diversion road Makato habang pauwi na sana sa kanilang bahay habang si dela Cruz ay nahuli sa loob ng kanilang bahay.