-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na ang pagbasura sa tatlong excise tax cases laban kina Sarah at Curlee Discaya ay walang epekto sa iba pang kasong may kaugnayan sa tax evasion at mga reklamong kriminal laban sa kanila kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon sa DOJ, hiwalay ang isyu ng excise tax sa iba pang umiiral o posibleng pananagutan ng mag-asawang kontratista, gayundin sa mga kaso ng iba pang indibidwal na sangkot sa flood control projects.

Noong Lunes, kinumpirma ng DOJ na ibinasura ng mga piskal ang mga kasong inihain ng Bureau of Internal Revenue kaugnay ng umano’y anomalya sa pag-aangkat ng anim na luxury vehicles na nakarehistro sa pangalan ng mag-asawa. Batay sa resolusyon, itinuring ang mga Discaya bilang end consumers at hindi mga importer, kaya’t hindi sila ang itinuturing na nagbabayad ng excise tax.

Samantala, inaasahang ihahain ng DOJ sa Court of Tax Appeals ang dalawa pang tax cases laban sa mag-asawa kaugnay ng umano’y pagtatago ng tunay na kita sa kanilang income tax returns noong 2020 at 2021.