Idineklarang “sufficient in form” ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint laban kay Sara Duterte matapos matukoy na tumalima ang mga ito sa mga teknikal na rekisito at sa one-year bar rule.
Kabilang sa mga kinilalang pasado ang reklamong inihain nina Fr. Joel Saballa at iba pa na inendorso ni ML party-list Rep. Leila de Lima, gayundin ang reklamong inihain ng abogado na si Nathaniel Cabrera na inendorso nina Deputy Speaker Paolo Ortega at Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. Walang tumutol sa pag-apruba ng mosyon.
Samantala, sa botong 22-10, isinantabi ng komite ang unang reklamong inihain ng mga progresibong grupo dahil umano sa paglabag sa one-year bar rule, kasunod ng pagtatalo sa interpretasyon ng desisyon ng Supreme Court of the Philippines hinggil sa pagsisimula ng impeachment proceedings.
Tinanggap din ng panel ang pagbawi sa isa pang reklamo upang maiwasan ang pagkaantala ng proseso.













