Pinalakas ng Department of Health at United States Department of State ang kanilang kooperasyon upang paigtingin ang kampanya laban sa tuberculosis (TB) sa Pilipinas, na nakatuon sa maagang pagtuklas at mas malawak na gamutan.
Nagkaloob ang U.S. ng mga gamot para sa tinatayang 230,000 pasyente at 12 ultraportable X-ray machines para sa mga liblib na lugar. Isinabay ito sa pagpapatupad ng Strategic Objective Agreement upang palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng kalusugan.
Layunin ng mga hakbang na matiyak ang tuloy-tuloy na gamutan at mapabilis ang pagtukoy ng sakit, kasabay ng target na mapuksa ang TB bilang banta sa kalusugan.
Sa datos ng DOH, lumampas na sa 101,000 ang kaso ng TB sa National Capital Region, kaya pinaigting ang kampanya sa maagang pagsusuri, paggamot, at pag-iwas sa sakit.













