KALIBO, Aklan—Matagumpay na nasungkit ng isang Aklanon female bodybuilder ang bronze medal sa Asia Pro Championship na ginanap kamakailan lamang sa Incheon, South Korea.
Si Pauline Javelona-Panagsagan, tubong bayan ng Tangalan ay dating miyembro ng United States Armed Forces kung saan, dito aniya nagsimula ang kaniyang pagkahilig sa body building.
Aniya, nais nitong patunayan sa mga Amerikanong sundalo na may lakas rin silang mga babae sa mga gawain at maging sa kanilang trabaho.
Bilang isa ring nutritionist ay nag-self coach ito at pinalakas ang sarili hindi lamang ang kaniyang katawan kundi maging ang buong pagkatawo sa lahat ng kaniyang naging kumpetisyon.
Sa kabila ng pangungutya ng ibang tao dahil sa hubog ng kaniyang katawan, hindi ito naging hadlang para sa Aklanon bodybuilder na magpatuloy hanggang sa nasungkit ang ikatlong pwesto sa nasabing kumpetisyon.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang kaniyang paghahanda para sa mga susunod pa niyang kumpetisyon sa ibang bansa.













