KALIBO, Aklan — Nagpahayag ng pagkadismaya si dating Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel kasunod ng desisyon ng Supreme Court (SC) na pagtibayin ang konstitusyonalidad ng batas na nagpapahaba sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa limang taon.
Sa pahayag ni Manuel, nakalulungkot umano na ang Supreme Court, na sana ay huling takbuhan ng mga mamamayan upang mawakasan ang umano’y bulok na sistemang pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay hindi nagbigay ng inaasahang aksyon.
Dagdag pa niya, tila hindi napakinggan ang panawagan ng publiko para sa patas na oportunidad, partikular na ng mga botanteng nais magkaroon ng mga bagong kandidato na maaaring mamuno sa kanilang mga komunidad.
Samantala, maaari pa umanong maghain ng apela ang mga petitioners dahil marami pang nakabinbing petisyon na kumukuwestiyon sa batas na nagtakda ng postponement ng halalan.
Gayunman, iginiit ni Manuel na bagama’t may karapatan pa ring umapela ang mga mamamayan, posibleng mahirap nang mabago ang naging desisyon ng Supreme Court.
Kaugnay nito, ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyong inihain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal laban sa Republic Act No. 12326, na nag-amyenda sa dating apat na taong termino ng mga nahalal na opisyal ng barangay at SK.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, ipinaliwanag ng Korte na itinatakda ng nasabing batas ang haba ng panunungkulan ng mga opisyal at hindi lamang basta ipinagpapaliban ang halalan.
Dahil dito, sa Nobyembre 2028 na gaganapin ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at kada limang taon na rin isasagawa ang mga susunod na halalan.












