-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nanindigan si Kabataan Party-list Representative Atty. Renee Co na patuloy nilang kokontrahin ang planong pagtatayo ng PAX Silica sa bansa, sa kabila ng isinagawang briefing ng Senate Committee on Economic Affairs at Senate Committee on Trade and Industry upang ipaliwanag ang naturang inisyatibo.

Ayon kay Co, nangangamba ang kanilang partido sa posibleng epekto ng proyekto sa paggamit ng lupa at likas-yaman ng bansa, partikular sa suplay ng tubig at kuryente. Kinuwestiyon din nila ang usapin ng pambansang soberanya at ang posibleng papel ng Estados Unidos sa pamamahala nito.

Tiniyak naman ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na mananatili sa Pilipinas ang soberanya sa planong advanced manufacturing hub sa New Clark City at ipatutupad dito ang mga batas ng bansa.

Samantala, nilinaw ng BCDA na walang itatayong data center sa naturang lugar at pinag-aaralan ang mga teknolohiyang maaaring gamitin upang matugunan ang pangangailangan sa tubig at kuryente.