-- ADVERTISEMENT --

Patay ang apat na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang tatlong batang edad isa at dalawang taon, matapos tamaan ng Russian drone strike ang kanilang bahay sa Bohodukhiv, Kharkiv region sa Ukraine. Nakaligtas ang buntis na ina na nagtamo ng bahagyang paso. Kakalipat lamang umano ng pamilya sa lugar upang makaiwas sa pambobomba malapit sa hangganan ng Russia.

Nagpatuloy ang sunod-sunod na pag-atake ng Russia sa rehiyon, kabilang ang mga insidente sa Slovyansk na may naiulat ding nasawi. Target din ang mga pasilidad ng enerhiya at transportasyon na nagdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente at tubig, dahilan upang magdeklara ng state of emergency sa enerhiya sa Kharkiv.

Samantala, iniulat ang pag-atake ng Ukrainian drones sa Volgograd region ng Russia na nagresulta sa pinsala sa isang gusali at sunog sa pabrika. Patuloy ang digmaan mula nang simulan ng Russia ang malawakang pananakop sa Ukraine noong Pebrero 2022.