Tinanggihan ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingan ng pamilya Villar na ibalik sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga reklamong insider trading at stock manipulation laban sa Villar Land.
Sa preliminary investigation, sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong na ituturing na counter-affidavit ang naturang kahilingan kung ipipilit ito ng kampo ng Villar.
Noong Enero, nagsampa ng kasong kriminal ang SEC laban sa Villar Land at ilang opisyal nito dahil sa umano’y market manipulation, insider trading at maling disclosure na nakaapekto sa presyo ng shares at sa mga mamumuhunan.
Sa imbestigasyon, lumabas na napaagang inilabas ng kumpanya ang 2024 financial statement na nag-ulat ng ₱1.33 trilyong assets, ngunit matapos ang audit adjustment ay naging ₱35.7 bilyon lamang.
Kabilang sa mga respondent sina Manuel Villar, Cynthia Villar, Camille Villar, Mark Villar, Cynthia Javarez at Manuel Paolo Villar. Pinayagan sila ng mga piskal na magsumite ng kanilang sagot hanggang Abril 20, habang nagsumite na ng counter-affidavit si dating independent director na si Garth Castañeda.













