KALIBO, Aklan—Hinikayat ng Police Regional Office (PRO)-6 ang publiko na i-report sa kaukulang city o provincial director ang mga police station na bigong makatugon agad sa hiling na police assistance sa kanilang mga lugar.
Ayon kay P/Lt. Col. Arnel Solis, tagapagsalita ng PRO-6 batay ito sa naging pahayag ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na hindi na maaatraso ang pulisya sa pagtugon sa emergency dahil sa ipatutupad na “5-Minute Response Time”.
Kailangan aniyang sa loob ng limang minuto, darating ang mga pulis sa lugar na pinangyayarihan ng krimen.
Nabatid na nagsagawa ng unang command conference si Gen. Torre kasama ang mga regional police chiefs ng Western Visayas, Central Visayas, ag Negros Island Region sa PRO-6 headquarters, araw ng Sabado, Hunyo 14.
Sa nasabing komperensiya, inatasan rin ng PNP chief ang mga police commanders sa buong bansa na tukuyin ang mga lugar na dapat bigyang-priyoridad para sa patakaran ng 5-minute response time.
Aniya, dapat malaman ng pulisya kung anong uri ng tugon mula sa pulisya ang kinakailangan ng mga tao sa isang urban o rural na lugar. Bukod dito, tinalakay din ang mga plano para sa optimal na deployment at ang deactivation ng mga police community precincts.