-- ADVERTISEMENT --

Ipinasumon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese ambassador bilang protesta sa ipinataw na sanctions ng Beijing laban kay dating Senador Francis Tolentino.

Ayon kay DFA Secretary Theresa Lazaro, taliwas sa mga pamantayan ng respeto sa soberanya at dayalogo ng magkapantay na bansa ang hakbang ng China na parusahan ang demokratikong halal na opisyal dahil sa kanilang opisyal na tungkulin.

Inanunsyo ng China noong Hulyo 1 ang sanctions kay Tolentino, kabilang ang pagbabawal sa kanyang pagpasok sa mainland China, Hong Kong at Macao.

Binanggit ng Beijing ang umano’y “malicious acts” ni Tolentino kaugnay sa mga isyu sa China.

Si Tolentino ang pangunahing may-akda ng dalawang batas-maritime na layong pagtibayin ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na ikinagalit ng China.

-- ADVERTISEMENT --

Noong nakaraang taon, ibinunyag din niya sa Senado ang umano’y operasyon ng Chinese embassy para siraan ang mga kritiko ng China.

Tinawag ni Tolentino ang sanctions bilang isang “badge of honor” at iginiit ang patuloy na pagpanig sa karapatan ng bansa.

Giit ng DFA, nananatiling bukas ang Pilipinas sa diplomatikong pag-uusap sa kabila ng umiigting na tensyon sa West Philippine Sea.