Idineklara ng Sandiganbayan Sixth Division si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co bilang “fugitive from justice” kaugnay ng kasong graft at malversation na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y iregularidad sa proyektong road dike sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa 16-pahinang resolusyon na may petsang Pebrero 3, bahagyang pinagbigyan ng korte ang mosyon ng prosekusyon na ideklarang pugante si Co. Dahil dito, hindi siya maaaring lumahok sa mga pagdinig at hindi rin makatatanggap ng abiso mula sa korte hangga’t hindi siya kusang sumusuko.
Samantala, nagsumite ang National Bureau of Investigation ng karagdagang dokumento sa Interpol bago ang itinakdang deadline kaugnay ng red notice request laban kay Co. Layunin nitong maalerto ang mga awtoridad sa ibang bansa upang matunton at maaresto ang dating mambabatas, na napaulat na nasa Portugal at posibleng nakakuha ng residency sa ilalim ng Golden Visa program.
Una nang inihayag ng Ombudsman na may mga indikasyong nais makipag-ugnayan ni Co, habang iginiit na kinakailangang maibalik muna ang umano’y nawawalang pondo mula sa mga proyekto sa flood control.










