-- ADVERTISEMENT --

Aabot sa 133 barangay ang naapektuhan ng ashfall at iba pang epekto ng kamakailang moderately explosive eruption ng Bulkang Kanlaon nitong Huwebes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sinabi ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol na bukod sa pag-ulan ng abo, nakaranas din ng matinding amoy asupre ang ilang lugar. Kabilang sa mga apektadong bayan sa Negros Occidental ang Bago, Binalbagan, Cauayan, Candoni, Sipalay, La Carlota, La Castellana, Moises Padilla, Hinigaran, Isabela, San Carlos, Monteverde, Himamaylan, Kabankalan at Ilog, pati na ang mas malalayong lugar tulad ng Hinoba-an na nasa humigit-kumulang 120 kilometro mula sa bulkan.

Iniulat din ang ash emission activity nitong Biyernes ng umaga na tumagal ng isang oras at umabot sa taas na 1,000 metro. Nanatili sa Alert Level 2 ang Mount Kanlaon, na nangangahulugang may katamtamang pag-aalburuto at posibilidad ng biglaang pagsabog.