KALIBO, Aklan — Pinasalamatan ni outgoing Sangguniang Bayan member Augusto Tolentino ro konseho ng Kalibo ag mga mamamayan sa pagkilala sa kanyang serbisyo sa loob ng mahabang panahon.
Binigyang pagkilala si Tolentino sa kanyang pagdalo sa pinakahuli nitong session bilang konsehal noong araw ng Lunes, Hunyo 23.
Si Tolentino ay muling tumakbo noong nakaraang midterm election ngunit hindi pinalad.
Sa pamamagitan ng isang aprubadong resolusyon, kinilala at pinuri si Tolentino sa kanyang panunungkulan at pagtrabaho para sa bayan.
Ayon kay Tolentino ang pagkilala ay patunay na siya bilang isang public servant ay matino, may prinsipyo, at maasahan.
Si Tolentino ay isa sa maituturing na longest-serving public servants sa Kalibo mula sa kanyang pagiging punong barangay hanggang sa naging konsehal simula noong 1982 hanggang 2025.
Umaasa umano siyang ipagpatuloy ng konseho ang mga magagandang programa na kanyang nasimulan para sa mga Kalibonhon lalo na ang kapakanan ng mga senior citizens at kabarangayan.
Samantala, sa kabila ng kanyang edad, hindi pa umano niya masasabi kong lubusan na siyang magreretiro sa pulitika.