Inihayag ng House of Representatives ang kanilang kahandaan na tumanggap at umaksiyon sa anumang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte simula Pebrero 6, matapos mapaso ang isang taong limitasyon sa paghahain ng reklamo.
Ayon sa Kamara, susundin nito ang Konstitusyon, mga panuntunan ng Mababang Kapulungan, at ang pinakahuling nilinaw na alituntunin ng Korte Suprema hinggil sa “express route” ng impeachment. Nilinaw rin na inalis na ng Korte Suprema ang mas mahigpit na due process requirements sa naunang desisyon, at inilagay ang responsibilidad ng pagbibigay ng mga dokumento at ebidensiya sa mga mambabatas na kasali sa paghahain at deliberasyon ng reklamo.
Tiniyak naman ng ilang lider ng Kamara na ipatutupad ang pasya ng Korte Suprema, habang inilalaan ang karapatang tumutol sa ilang probisyong maaaring makaapekto sa panloob na mga patakaran ng institusyon.













