-- ADVERTISEMENT --

Nakumpirma ng Bureau of Customs (BOC) na narekober na nito ang lahat ng 12 luxury vehicles na pag-aari ng pamilya ng kontratistang si Sarah Discaya, alinsunod sa search warrant na inisyu ng Branch 18 ng Manila Regional Trial Court. Isinagawa ang operasyon sa punong tanggapan ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City, na pagmamay-ari ng pamilyang Discaya.

Unang natagpuan ng BOC ang dalawang sasakyan sa unang bahagi ng operasyon. Sumunod na isinuko ang pito pang sasakyan.

Ang natitirang tatlong sasakyan ay nasa mga awtorisadong service centers para sa pagkukumpuni at inaasahang isusuko rin sa BOC kapag natapos ang pagkumpuni.

Lahat ng sasakyan ay isinailalim sa sealing at mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng BOC at Philippine Coast Guard habang patuloy na sinusuri ang mga dokumento ng importasyon. Tinitiyak ng BOC na kung may lalabas na iregularidad, agad silang magsasampa ng kaukulang aksyon alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.

Kasunod nito, kinumpirma rin ni Sarah Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na siya ay may pagmamay-ari ng kabuuang 28 luxury vehicles.

-- ADVERTISEMENT --