KALIBO, Aklan—Umaabot sa halos 7,000 na aplikasyon ang naproseso sa unang apat na araw ng voters registration sa buong lalawigan ng Aklan.
Sa nasabing bilang, kasama rito ang aplikasyon sa Sangguniang Kabataan at mga regular voters.
Inihayag ni Chrispin Raymund Gerardo, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) Aklan na bumuhos ang mga registrants na karamihan ay mga bagong botante na pumunta sa kanilang tanggapan simula sa muling pagbukas ng voters registration noong Agosto 1 hanggang Agosto 4, araw ng Lunes.
Sa mga nasa 15 hanggang 17 taong gulang, naka-record sila ng 5,547 habang ang may edad na 18 anyos pataas ay nakatala ng 1,347 na bagong registrants.
Ilan pa sa mga pumunta sa mga opisina ng Comelec ay ang nag-apply para sa reactivation, correction of entries at iba pa.
Itinuturing ni Gerardo na tagumpay ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan para sa pagsasagawa ng satellite registration kung saan, naging madali ang pagproseso ng mga junior and high school learners ng kanilang aplikasyon.
Habang, naniniwala naman si Gerardo na posibleng dadagsa pa ang mga aplikante sa huling araw o sa pagtatapos ng voters registration sa Agosto 10, 2025.
Layunin umano ng voters registration na ma-accommodate ang mga bagong botante at ang mga nag-update ng kanilang mga record bilang paghahanda sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.