-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga ulat na iniuugnay siya sa umano’y pagbili ng ari-arian gamit ang mag-asawang Discaya bilang tagapamagitan, at iginiit na walang batayan ang naturang alegasyon.

Ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita, walang kaalaman o partisipasyon si Romualdez sa sinasabing transaksyon at wala rin siyang personal na ugnayan o naging pakikipagkita sa contractor-couple na binabanggit sa mga ulat.

Binigyang-diin ng kampo na sa pagdinig ng Kamara noong Setyembre 2025, malinaw na itinanggi rin ng isa sa mga Discaya ang pagkakaroon ng anumang direktang transaksyon kay Romualdez. Nakapaloob umano ito sa opisyal na rekord ng Kongreso at sumasalungat sa mga muling ibinabangong paratang.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, nanindigan ang kampo ni Romualdez na dapat manaig ang ebidensiya at testimonya sa ilalim ng panunumpa laban sa haka-haka at espekulasyon.